• Si Reneng Madeskarte


Si Reneng Madeskarte

Kalokohan! Mga  batang hindi nag-iisip lamang ang pumapasok sa paaralan. Minsan ngang tinanong ko yung isang estudyante, “bakit ka nag-aaral?” sumagot naman ito, “para matuto.” Kita mo na. hindi ba’t bobo?
Bago ako magpatuloy, ako nga pala si Rene, ang batang lumaki sa deskarte. Magbobote si nanay at si tatay. Ako naman, bilang panganay ay dinadaan ang lahat sa deskarte para kumita. Minsan na akong naging sapatero, naging kargador ng mga gulay sa palengke at takatak boy. Hindi ako nagtagal sa mga mga yan. May mga araw kasing matumal ang kita.
Lumaki akong mulat sa kahirapan ng buhay. Bukas sa aking isipan ang estado ng aking buhay. Lima kaming magkakapatid. At batid ko ang hirap sa pagtustos ng mga pangunahing pangangailan ng aming pamilya. May mga gabi ngang natutulog kaming kumakalam ang sikmura. Eh ganon talaga ang buhay, puno ng hirap. Nasasayo na yan kung paano mo to malalampasan.
 Tingnan mo itong mga estudyanteng ito. Nagsasayang ng oras sa loob ng apat na sulok ng silid sa pag-upo-upo lamang. Mga loko! Bakit ba nila kailangan pang mag-aral? Hindi ba nila alam na tulad ng yaman ay di rin nila madadala ang karunungan sa langit o sa impyerno?  Kung trabaho ang kanilang irarason, aba, mayroon naman dyang mga hindi nakapagtapos pero nabuhay naman.
 Minsan na akong nabigyan ng pagkakataong makapag-aral, ngunit tinanggihan ko. Kayang kaya ko namang harapin ang bawat oras. Ako yung batang lumaki sa deskarte. Sa tuwing nagugutom ang aking mga kapatid, deskarte lang ang pinapairal ka para malamanan ang kanilang sikmura. Naglilibot ako sa mga bahay-bahay upang mag-alok na ako na lang ang magtapon ng kanilang basura. Sa limang piso kada bahay, makakaipon na ako ng pangbili ng pwedeng pangkain.
 Minsan nagkaroon ng isang proyektong pangkalusugan si Mayor. Di tulad ng pag-aaral, mas mahalaga itong kalusugan. Aanhin mo nga naman ang siksik na utak kung isa ka namang lantang gulay.“pakisulat na lamang po ang inyong pangalan dito sa patlang” wika ng isang health worker.
 Sa di ko malamang dahilan ay bigla na lamang akong napatakbo papalayo. Tulala ako… balisa… malayo ang isip. Bakit ganoon na lamang ang kahihiyang naramdaman ko?
 Doon ko napagtanto na di pala lahat ng bagay ay naidadaan sa deskarte. Paano ko gagawan ng deskarte para maisulat ang aking pangalan sa patlang kung kahit ang unang letra ng aking pangalan ay di ko alam kung ano o kung ano ang itsura nito.Saka ko lang naisip… oo, kaya kong mabuhay sa deskarte, pero hindi madali. Bigla akong nakaramdam ng pagkainggit sa mga estudyanteng tinawag kong bobo dahil nag-aaral. Tama namang bobo sila, kayo, tayo, ikaw, ako, pero pag-aaral lamang ang paraan para malunasan ito.

0 comments:

Post a Comment

Powered by Blogger.